Ninoy: Ugat ng pagbabago


Tinagurian siyang ‘Golden boy’ ng pulitika dahil maaga siyang pumasok sa paglilingkod sa bayan at nagpakitang-gilas sa kapwa mambabatas. Lider ng oposisyon noong panahon ng diktaduryang Marcos at ginising niya ang kamalayan ng sambayanan. Ngunit paglapag pa lang niya sa kanyang bayang sinilangan, hindi papuri o suporta ang sumalubong sa kanya kundi ito ang naghudyat ng pamamahinga niya sa mundo. Ito ang pakikipagsapalaran ni Benigno Simeon Aquino, Jr. o sa mas kilala na tawag na “Ninoy”.

Buhay Pilipino

Ipinanganak siya noong Nobyembre 27, 1932 sa Concepcion, Tarlac. Siya ay mula sa isa sa mga pinakamayamang angkan sa Tarlac at nakapag-aral sa mga pangunahing unibersidad sa Pilipinas. Napangasawa niya si Corazon Cojuangco (Cory Aquino) at nagkaroon sila ng 5 anak.

Buhay mamamahayag

Sa edad na 17 ay pinasok niya ang mundo ng pamamahayag. Siya ang inatasan ng The Manila Times na i-cover ang noo’y Korean War. Matagumpay niyang natapos ang kanyang misyon na i-cover ang giyera.

Buhay lingkod-bayan

Sa edad na 22 ay pinasok niya ang magulo at makulay na mundo ng pulitika. Siya ang napiling maging emisaryo ng administrasyong Magsaysay sa peace talks sa pagitan ng gobyerno at ng HUKBALAHAP. Napagtagumpayan at napasuko niya ang mga Huk na pinamumunuan ni Luis Taruc. Naging alkalde ng Concepion, bise-gobernador at gobernador ng Tarlac. Siya ang pinakabatang Senador sa edad na 34 at hinangaan dahil sa kanyang hindi matutumbasan na paglilingkod sa bayan.

Kinalaban ang ‘dragon’

Si Ninoy ang lider ng oposisyon noong panahon ng diktaduryang Marcos. Inusisa at inimbestigahan niya ang bawat kababalaghan at kabalastugan ng gobyerno. Napili niyang tumakbo bilang presidente noon ngunit nang idineklara ni dating Pangulong Marcos ang batas militar para manatili pa siya sa trono ay ipinahuli niya ang mga kumakalaban sa kanyang administrasyon at kasama si Ninoy sa mga ipinadakip. Nilitis siya sa military court at nahatulan ng kamatayan. Habang nakapiit ay patuloy pa rin niyang nilalabanan si Marcos. Nag-hunger strike siya upang kalabanin ang pamahalaan ngunit hindi ang mga nakaupo sa pwesto ang nanghina kundi siya. Bumagsak ang kanyang timbang at kritikal ang kondisyon ng kanyang kalusugan. Ang bawat hirap sa kanyang piitan ay natutumbasan ng lunas dahil sa kanyang mga anak at asawa niyang si Cory na nag-aaruga sa kanya. Noong 1980 ay inatake siya sa puso, hiniling niya kay dating First Lady Imelda Marcos na payagan siyang magpagamot sa Estados Unidos at ito naman ay pinahintulutan. Habang nasa exile siya, pinagpatuloy pa rin niya ang pakikipaglaban para sa malinis na pamamahala. Binatikos pa rin niya ang diktadurya kahit ang trato ng kanyang bayang sinilangan ay isang komunista.

Ang kanyang pamamahinga

Noong 1983, napag-desisyunan niyang makikipag-usap siya kay Ferdie upang maayos na ang mga problema sa bansa at matigil na ang katiwalian sa pamahalaan. Binalaan siya ni Imelda na may assassination plot ang pinaplantsa sa kanyang pag-uwi at iyon ay napatotohanan noong Agosto 23. Habang pababa sa kanyang sinakyang eroplano ay may umalulong na putok ng baril, nagkaguluhan sa Manila International Airport (na ngayo’y Ninoy Aquino International Airport) at doon nagtapos ang kanyang buhay. Di-umano’y binaril siya ni Rolando Galman na kalauna’y napatay ng mga sundalong nakahimpil roon na kasama rin sa pagpatay kay Ninoy. Nagulantang ang buong sambayanan lalo na ang kanyang pamilya dahil nawalan sila ng pundasyon. Halos 2 milyong Pilipino ang sumama sa paghahatid sa kanya sa huling hantungan na humihingi ng hustisya sa kanyang pagkamatay. 

Ugat ng pagbabago

Ang kanyang pag-uwi sa bayang sinilangan ay isang paglisan. Ngunit sa kanyang kadakilaan at pagpupursigi na ibalik muli ang kapangyarihan sa taumbayan, nagbunga rin ito at napaltasik ang rehimeng Marcos sa pamamagitan ng kanyang asawang si Cory katuwang ang milyung-milyong Pilipino sa kahabaan ng EDSA.

Inspirasyon ng lahat

Gabay at inspirasyon ngang maituturing ang ginawang kabayanihan ni Ninoy. Minulat niya sa katotohanan ang mga Pilipino pagdating sa kalayaan at demokrasya. Tunay ngang inspirasyon siya ng lahat, kahit wala na siya sa mundo, ang kanyang pagka-martyr ay hindi mabubura sa kaisipan, gawa at kasaysayan.

Kagitingang hindi matutumbasan

Kapag naririnig natin ang pangalang “Ninoy”, naalala lang natin ang paliparan (NAIA) at P500. Ngunit katulad ng isang paliparan, siya ang unang nagpalipad ng pangarap na makamit ang demokrasya. Ang kanyang kagitingan ay hindi matutumbasan ng P500 o higit pa. Alalahanin rin natin ngayon ang kanyang kadakilaan at ginawang kabayanihan upang makamit ang inaasam nating demokrasya. Siya ang unang umaksyon, tayo ang susunod na gagawa ng kasaysayang titingalain ng mga susunod na henerasyon, magiging inspirasyon ng mga sumisibol pa lamang at gagabay sa mga nagsisimula nang umukit ng pagbabago. 

About The Filipino Servant

Kent Ryan Masing, Author of The Filipino Servant

Posted on August 17, 2011, in Bagong Pilipinas, Buhay Pilipino, Change we need, Life Threats, Politics and tagged , , , , , . Bookmark the permalink. Leave a comment.

Your comment here

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: