Si Inang pusa at ang tatlong kuting


Isang emosyonal na kabanata ng buhay ang aking nasaksihan. Mga tagpo at eksenang hindi nila malilimutan hanggang sa huling hininga nila. At hindi mo aakalaing pusa ang bida sa kwentong ito. 

Isang araw, ang aming pusa humingi ng tulong sa aking Lola. Buntis ang pusa namin at siguro ay naisipang humingi ng tulong sa pagpapaanak. Tinulungan rin naman ng aking Lola ang alaga namin sa panganganak at nagluwal ito ng tatlong kuting na kakaiba sa lahat, hindi sila nag-iingay at umiiyak. Biglang nag-alala si Lola na hindi niya malayang nakain na ito ng mga daga o pinapak ng ipis ngunit hindi nangyari sa kanila ito.

Nakalipas ang mga araw, lumalaki na ang mga pusa sa piling ng kanilang ina at naisipan nilang lumipat sa taas na aming bahay. May napansin ang kapatid ko sa may sulok na may kakaibang gumagalaw roon at tinawag niya ako, nakita namin ang mga kuting na nakahimpil doon. Nag-alala ako at baka lusubin ito ng daga o ipis kaya kinuha ko ang karton na pinagtutulugan nila at ibinalik ko sila sa dati nilang pinaglalagakan.

Nagdaan ang mga araw, nakita ko ang pagkakayod at buong-pusong pagmamahal ng ina sa kanyang mga anak. Para bang tao rin, nagtatrabaho para lang may maipangtustos sa kanyang mga anak.

Isang araw, binisita ko ang mga kuting at laking-tuwa ko na nakadilat na ang kanilang mga mata at medyo nakikita na rin nila ang itsura ng mundong ating ginagalawan. Marunong na rin silang lumabas sa kanilang karton at nakakapaglakad na rin. Sumusunod sa kanilang ina saan man magpunta pero kailangan pa rin nila ng alalay at baka saan na mapunta.

Nakita kong naghaharutan ang tatlo, na para bang mga bata na naglalaro. Isang magandang halimbawa na natuto sila sa normal at masayang buhay. Tuwing nakikita ko silang naglalaro ay nagbibigay ito ng kasiyahan at kaligayahan sa buhay mong konti na lang ang pag-asa mo.

Nakakagigil silang tingnan sa sobrang cute nila at magagandang balahibo na aakalaing mong ikaw na ang pinakamaswerteng tao na may cute at masasayahing kuting na hulog ng langit kung iisipin.

Hindi sila katulad sa mga ibang kuting na talagang pinapabayaan ng kanilang ina sa lansangan o sa iba pang lugar na lang iniiwan. Ang iba sa kanila ay swerte nang mabuhay, dahil sa kanilang ingat at ang mga kapatid nila ay nagsipanaw nila dahil nasagasaan sila ng mga sasakyan, natapakan o inabuso at pinaglaruan ng masama ng mga tao.

Lumipas ang mga linggo, hindi na sila sa karton nakatira kundi sa upuang sira na nilagyan na lang rin ng karton upang maging bubungan kung sakaling umulan at hindi sila mabasa. Nakakapaglaro at nakakapaggalaw na sila ng malaya hindi katulad dati na pumapailalim sa upuan at doon naghaharutan. Makikita mo silang nagkakasayahan at natutulog ng magkakasama.

Iba na talaga ang magkakapatid, nagdadamayan at hindi katulad ngayong nag-aaway-away para lang makuha ang simpatya ng magulang kung sino ang paborito sa kanilang magkakapatid.

Ngunit isang araw, narinig kong parang pari na nagsesermon ang Lolo ko, malapit na daw iyang itapon dahil bumabaho ang paradahan ng motor at mapanghi nila. Galit naman ang Lola ko sa kanya kung bakit pa siya nag-ampon ng pusa kung papalayasin niya lang at nagbanta pang iitsa ang pusa sa pagmumukha niya kung mag-aampon siya uli.

May una kasi kaming pusa, sa tuwing nanganganak siya, swerte na ang mga kanyang anak na mabuhay ng isa o dalawang linggo dahil parating natatapakan ng Lolo ko at iyon ang parating rason kung bakit sila namamatay, kaya isang araw na lang ay nawala na lang ang aming alaga at di na namin kung saan nagpunta at nung araw ding yon ay nanganak siya, siguro naglayas at baka mamatay na lang dahil sa kawalan ng kalinga.

Binigyan ng pangalan ng Kuya ko ang tatlong kuting, ang isang parang tigre ang kulay ng balahibo ay pinangalanang ‘Tiger’, ang isa namang kakulay ng ina na may itim, kahel at puting kulay ay binansagang ‘Buddy’ at ang maitim naman ay si ‘Blacky’. Sa sobra rin niyang pagmamahal ay binigyan ng pangalan ang mga kuting.

Parating pumapasok sa bahay ang mga kuting at doon naghaharutan at minsan naman ay dun na rin natutulog dahil naka-lock na ang pintuan at matutulog na kami.

Maarte rin ang mga kuting, tira-tirang ulam lang ang gusto at ayaw ng kanin. Kaya kapag puro kanin ang halo ay madalang sila kumain o kaya dinededma na lang kaya sinususo na lang ang kanilang ina para makainom ng gatas.

Natuto na ring tumalon sa gate ang mga ito kaya parating tawag ng aking kapatid sa tuwing nakikita niyang nasa labas ang tatlo at pinapakuha sa akin o ako na lang ang lumalabas at tinitingnan kung sila’y tumalon at sumunod sa ina.

Dumating ang tag-ulan, mas naging challenging ang buhay nila, parating basa ang lupa at wala silang mapaghigaan na tuyo at komportable. Nakita nila ang sulok ng aming bakuran kung saan ay nagsisilbi itong bodega at doon na rin sila natutulog, minsan ay nasa upuan ng motor at mahimbing silang nagpapahinga.

Isang araw ay sumunod ang mga ito sa ina nila at lumabas sila, nagkataong umulan at biglang takbo sa akin ang kapatid ko at sinabi sa aking nasa labas ang mga kuting.

Biglang karipas ako ng takbo papalabas bitbit ang payong, at marunong na rin silang tandain ang bahay namin dahil alam nila kung saan pupunta. Pinayungan ko sila hanggang makapasok sa loob.

At, dumating na nga ang araw na kinakatakutan ko, ang pagbigay sa mga kuting sa tiyahin ko at doon na lang papatirahin dahil naiinis na ang Lolo ko sa kanila dahil kung saan-saan na lang sila dumudumi o umiihi.

Umaga nun at nakikita ko pang nagpapahinga sila sa motor, ang isa pa nga’y ginawang duyan ang helmet at dun siya nagpahinga. Ilang oras ang lumipas ay umulan at gustong pumasok sa loob ang mga kuting kaya pinapasok namin sa loob ng bahay, biglang nagtaka ang kapatid ko kung bakit sila kulang at yun pala ay nasa labas ang isa at tiyempong umuulan. Kaya dali-dali akong lumabas at ni-rescue ang isa at hapit kapit na kapit siya sa basag na salamin upang hindi siya mabasa. Inakay ko papasok at pinunasan, at di ko aakalaing yun na pala ang huli kong magagawa sa kanila.

Dumating ang aking tita at ibinigay ni Lola ang mga ito sa kanya. Nung tinitingnan ko sila sa labas, para bang gusto nilang pumasok. Sa loob naman ng aking bahay ay para bang humihingi sa akin ng tulong ang ina at nagtatanong kung nasaan ang kanyang anak, pinasunod ko sa akin at pinalabas ko, hanggang sa pintuan lang ako at di ko nakita kung tumalon ba sa gate at nakita o hindi na lang. Umimik na lang ako sa isang tabi at iniisip ko yung ina.

Umalis na ang tita ko na dala-dala ang mga kuting, ang ina naman ay walang-pagod na umiikot sa aming bahay at hinahanap talaga ang kanyang mga anak. Narinig kong parang umiiyak ang ina sa harap ni Lola at para bang sinasabi na “nasaan ang anak ko?” na inisip ng Lola ko na baka yun ang sabi ng pusa sa kanya.

Umakyat ako sa taas at biglang tulo ang aking luha, dahil naaawa ako sa pusa at walang-pagod itong pumupunta sa mga pinakasulok upang hanapin lang ang kanyang mga anak. Sigeng hiyaw na umiiyak ito at humihingi ng tulong sa kung sinu-sino. Nung parati ko siyang nakikitang umiiyak, ay para bang umiiyak rin ako at nami-miss ko ang anak niya. Nung malapit na kaming matulog ay napaisip ko sila, baka maglayas at saan na lang sila mapadpad, at ang ina naman ay maglayas na rin sa amin. Bumuhos na lang ang emosyon ko nang maisip ko na baka may masamang mangyari sa kanila at nakatulog na lang ako.

Dumating ang umaga, bumangon ako at lumabas, nagtataka at hinahanap kung nasaan na ba ang tatlo, biglang naalala na umalis na pala sila. Pumasok ako sa bahay na may mukhang hindi maipinta sa sobrang lungkot at pangungulila.

Narinig ko sa Lola ko na hindi makatulog ang ina sa paghahanap at hindi ito napapagod, at nung mag-umaga na, dun lang siya nakatulog. Narinig ko rin na ipinasok sa bahay ng aking tiyahin ang mga kuting at nasa mabuting pangangalaga. Para bang nabawasan ang kaba ko ngunit nangungulila pa rin ako sa kanila.

Tumutulo na ang aking luha nung umaakyat ako sa taas ng bahay namin at iniisip ang mga mabubuting kabanata ang ibinigay nila sa akin at sa kanila rin. Kaya naisipan kong gawan ko sila ng blogpost tungkol sa kanilang buhay hanggang sa pag-alis nila sa bahay namin.Tiyempo kong pinapatugtog ang mga malulungkot na kanta na ayaw nila akong pigilan sa pagiging emosyonal.

May natutunan akong mga mabubuting aral sa mag-ina, na masakit talaga sa kalooban ang mawalay ka sa minamahal mo sa buhay at talagang magkakayod siya para lang sayo. At yun ay pinatunayan ng inang pusa at kanyang masisiglang tatlong kuting.

Hindi mo aaakalaing magbibigay sila ng pag-asa sa buhay mong wala nang liwanag at maaari mo pa itong bahagi sa iba na nangungulila rin sa minamahal nila.

Hindi ko man sila nakuhanan ng litrato ng sama-sama, ngunit ang mga masasaya at malulungkot na araw naming magkakasama at nagbigay ng tanglaw sa ating mga buhay.

Sana, may kapulutan tayo ng aral sa ating mga alaga at sa kwentong ito, na maaaring mitsa ng inaasam nating pagbabago at pagbubuklod ng pamilya.

Ang pamilyang sama-sama, ay pinagpapala ng Diyos at binibigyan ng masaya at mapayapang buhay.

 

 

About The Filipino Servant

Kent Ryan Masing, Author of The Filipino Servant

Posted on May 30, 2011, in Buhay Pilipino, Weird & Wonderful and tagged , , , . Bookmark the permalink. Leave a comment.

Your comment here

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: