M8.9 na lindol at Tsunami, hinagupit ang Japan


TOKYO & SENDAI, Japan- Magnitude 8.9 na lindol na nagresulta ng malalaki at malalawak na pinsala kasunod ng matataas na tsunami sa Pacific Ocean ang humagupit sa Japan. Alas-dos ng hapon dito sa Pilipinas at Alas-tres naman sa Japan nang yumanig sa kanila ang isang pambihira at epikong lindol na nagresulta ng 30-talampakang tsunami na tumama sa Sendai, ang epicenter ng lindol.

Halos nakita ng buong mundo ang live coverage ng Japanese news agencies ang paglindol at tsunami. Kitang-kita bawat anggulo ang bawat pinsala at laki ng alon mula sa dagat na pininsalaan ang mga malalawak na palayan at sinira ang mga ari-arian.

Matapos ang lindol at Tsunami ay dumami naman ang kaso ng sunog sa bawat lugar sa Tokyo, Fukishima Prefecture at Sendai. Isa na rito ang oil refinery na kasalukuyan pa ring nasusunog.

Oras-oras binabantayan ng U.N. at Japan government ang apat na Nuclear power plant at isang petrochemical plant na maaaring magresulta ng malawakang radiation. Pinalikas na rin ang mga naninirahan malapit sa mga imprastrakturang kemikal.

Agad na itinaas ng Pacific Tsunami Warning Center o PTWC ang Tsunami Alert sa 50 na bansa kasama na ang Pilipinas.

Dito naman sa Pilipinas ay itinaas sa 19 na lalawigan na nakaharap sa dagat-Pasipiko ang Tsunami Alert No. 2 na posibleng darating ang unang bugso ng alon bandang 5-7pm at mga susunod na alon bandang 7-11pm kagabi.

Agad minonitor ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS ang mga tsunami waves na papasok sa Philippine Area of Responsibility at inutos naman ng National Disaster Risk Reduction Management Council o NDRRMC ang forced evacuation sa 19 na lalawigan na itinaas sa Tsunami Alert No. 2.

Agad nagpalabas ng hotline ang mga government agencies katulad ng DFA, NDRRMC, PHIVOLCS at mga humanitarian foundation na nakadestino sa Pilipinas.

Naitala ng PHIVOLCS ang pinakamalaking alon na nasa .70cm sa Baler, Aurora at Virac, Catanduanes.

Inasahang darating ang 8-talampakang tsunami waves sa Hawaii ngunit ang mga dumating lang ay wala pang isang metro pero naghanda na ang mga mamamayan doon para na rin sa kanilang kaligtasan.

Ang Google Japan naman ay naglunsad ng Person Finder para sa mga kaanak o kaibigang nawawala o nawalan ng komunikasyon sa kanilang mga mahal sa buhay.

Naglunsad na rin ang Red Cross Federation ng textline para sa mga donasyong financial at in-kind para sa mga sinalanta ng lindol at hagupit ng tsunami.

Ilang linggo lang ang nakalilipas matapos ang lindol at tsunami, ang Fukushima-Daiichi nuclear power plant na nasira dulot ng sakuna ay sumabog at naging banta sa buhay ng mga tao at hayop na nakatira malapit sa planta. Nag-desisyon ang gobyerno ng Japan na i-shutdown na ang nuclear plant at hindi na pinayagan pang magtayo ng bahay o imprastraktura ang lugar malapit dito. 

Sa pinakahuling ulat ng pamahalaan ng Japan at Red Cross ay mahigit 15,000 katao ang namatay at umabot sa bilyun-bilyong dolyar ang pinsala sa imprastraktura at agrikultura. 

Itinaas sa magnitude 9 mula sa magnitude 8.9 ang lindol dahil sa malawak na pinsalang idinulot nito. 

Ilang buwan matapos ang nangyaring lindol, ang ilang komunidad na naapektuhan ay hindi na tinirhan o nawala na sa mapa. Ang mga kalsada at tulay na nasira ay naayos muli na hindi mo inaasahang minsan ay nagkanda-sira-sira ang mga ito dulot ng lindol at tsunami.

May mga tao pa rin sa mga evacuation center, ngunit hindi mo aasahang patuloy pa rin silang sinusuplayan ng relief goods ng gobyerno at nakakatanggap ng assistance mula sa mga NGOs at international community. Ang ganitong sitwasyon ay hindi mo makikita sa ating bansa na ilang linggo lang o buwan ang mga taong nasa evacuation center ay hindi na nasusuplayan ng relief goods mula sa gobyerno natin. 

Naging mabilis ang pagbangon ng Japan, hindi dahil napakayaman nila ngunit disiplinado sila. Kitang-kita pa lang ilang oras at araw matapos ang lindol ay sumusunod sila sa otoridad at hindi nagnanakaw sa mga naiwang bukas na tindahan o kainan. At may paniniwala silang walang saysay ang buhay kung mabagal ang pagbangon mula sa sakuna. 

Kung ganito lang tayo, hindi malayong hindi natin ramdam ang sakit at pait ng karanasan mula sa mga nangyaring trahedya, at malay mo ito sana ang maging solusyon sa kahirapan.

Lubos po ang aming pakikiramay sa mga namatayan at nawalan ng mahal sa buhay matapos ang lindol at tsunami. Patuloy pa ring nandito kaming mga Pilipino, handang umalalay sa mga Hapon at kapwa-Pilipinong biktima ng sakuna.


About The Filipino Servant

Kent Ryan Masing, Author of The Filipino Servant

Posted on March 12, 2011, in Life Threats, News, World and tagged , , , . Bookmark the permalink. 1 Comment.

Your comment here

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: