Diwa ng EDSA 1986: Mula noon hanggang ngayon, demokrasya- atin siya!


PAGKAKAISA PARA SA DEMOKRASYA

Ito ang naging misyon ng milyun-milyong Pilipinong nagtipon sa lansangan ng EDSA noong Pebrero 22 hanggang Pebrero 25, 1986.

Bago muna natin kilatisin ang pangyayari, alalahanin muna natin ang sanhi ng pagkakaisa.

MALAWAKANG KATIWALIAN

Isa sa mga problemang kinaharap ng bansa sa pamahalaang diktaturyal ni Ferdinand Marcos. Pinayaman ni Marcos ang kanyang pamilya at ninakaw ang kaban ng bayan. Ang mga taumbayan ay nagising sa katotohanan at gumawa ng aksyon.

PAGTATAPOS NG BATAS MILITAR

Nang ibinaba na ang Batas Militar sa buong bansa, nagkaroon ng pag-asa ang mga Pilipino at naging hudyat ng malakihang pagpapaplano para sa mga susunod na hakbangin.

PAGKAMATAY NI BENIGNO ‘Ninoy’ AQUINO, JR.

Napiling bumalik na lang sa bansa at makipag-usap kay Marcos si Benigno ‘Ninoy’ Aquino, Jr. matapos ang kanyang self-exile sa United States. Pagbaba pa lang sa TARMAC sa Manila International Airport (ngayo’y Ninoy Aquino International Airport) ay siya’y binaril di-umano ni Rolando Galman na kalauna’y binaril rin ng militar. Halos brutal ang pagpatay at mala-hayop ang pagbitbit sa walang buhay na katawan ni Ninoy habang isinasakay ito sa truck. Muli na namang nagising ang damdamin ng Pilipino at gusto nang makalaya mula sa rehimen.

PAGBAGSAK NG EKONOMIYA

Dulot ng pagkamatay ni Ninoy at kahirapan, sa unang pagkakataon ay bumagsak ng 10% ang ekonomiya ng bansa na lalo pang naging kritikal noong 1984 hanggang 1985. Dumami ang mga kababayang napiling mangibang-bansa at doon ay mamuhay, pati na rin ang mga investments ay lumipad na rin. Iniwan nila ang Pilipinas ng walang pag-asa ngunit ito’y isang epiko lamang.

BUDGET DEFICIT AT LUMALAKING UTANG-PANLABAS

Patuloy na lumalala ang sitwasyon sa bansa. Nagkulang na ang budget at lumalaki pa ang utang-panlabas. Nag-desisyong umutang pa si Marcos sa World Bank ngunit tumutol ang World Bank at gustong kontrolin ang ekonomiya ng bansa. Nagkaroon ng kondisyon at lumabas na kailangan munang sumigla ang ekonomiya ng bansa bago pautangin ang Pilipinas. Noong panahon na iyon ay papatapos na ang termino ni Marcos kaya nagpasya siyang magpatawag ng dagliang halalan o Snap Elections sa darating na Pebrero, 1986.

SNAP ELECTIONS NG 1986

Dumating ang araw ng halalan, halos lantaran ang pandaraya at kabi-kabila ang patayan. Kumandidato si Corazon Aquino, asawa ni Ninoy bilang Pangulo ng bansa mula sa oposisyon at kalaban niya si Marcos. Dahil sa lantaran at walang-tigil na kaguluhan sa eleksyon, nais ni Cory na ipa-boycott ang pagbibilangan ng boto. Dumating ang oras ng pagbibilangan, halos daang-libo lang ang mga lamang ng mga kandidato. Nag-walk out ang mahigit 30 computer technicians sa pagbibilangan ng boto sa Batasan Pambansa dahil sa lantarang pandaraya. Sinamahan ito ng taumbayan hanggang ito’y lumabas sa sesyon. May isang institusyon na nagbibilang rin ng boto at ito ang National Movement for Free Elections o NAMFREL na kinatigan naman ng pwersa ni Cory. Lumabas ang resulta ng COMELEC, inanunsyo nila na si Marcos ang nanalo sa Halalan; sa kabilang panig naman ay si Cory ang nanalo laban kay Marcos. Dahil sa matinding labanan ng 2 panig, ito ay humantong sa isang rebolusyon.

PAGSISIMULA NG REBOLUSYON

Kinondena ng sambayanan ang resulta ng halalan. Sila ay nagtipun-tipon sa lansangan ng EDSA at ipinoprotesta nila ang pagkapanalo ni Marcos sa halalan. Ito’y sinuportahan ni Cory na dismayado rin sa resulta. Ito ay nagsimula noong kinagabihan ng Pebrero 22, patuloy sa pagdami ang mga taong nananatili sa EDSA.

PAG-AKLAS NG MILITAR

Napiling tumiwalag na lang sa pamahalaan ang mga matataas na opisyal ng militar na sina Fidel Ramos at Juan Ponce Enrile. Tumawag sila kay Marcos at hinihingi ang pagbaba nito sa pwesto, ito’y hindi pinayagan ni Marcos at iniutos na arestuhin sila at patayin. Hiningi nila Enrile at Ramos ang suporta ng mamamayan sa pamamagitan ng pagbarikada ng Camp Crame at gumawa ng human shield. Ito’y sinuportahan ni Cardinal Sin at tinawag ang diwa ng mamamayan na suportahan ang nangyayaring pagtitipon.

PAGDAMI NG SUPORTA

Hindi ininda ng mamamayan ang banta sa kanilang buhay dahil sa pagdating ng mga tangke at tropa ng gobyerno sa Camp Crame upang paalisin sila ng marahas. Binigyan nila ito ng mga rosas at pagkain upang sumama na sa malaking rebolusyon. Nagdesisyong tumiwalag ang mga tropa ng pamahalaan at kumampi sa tawag ng sambayanan–“TAMA NA, SOBRA NA, MARCOS UMALIS KA NA!

PAGTATAPOS NG REHIMENG MARCOS

Gabi ng Pebrero 25 ay napili nang manumpa sa pwesto si Corazon Aquino na nasa Club Filipino sa Greenhills. Oras lamang ang agwat ay nanumpa na rin si Marcos sa Malacanang. Dahil sa malaking bulto ng tao ang inaasahang susugod sa palasyo ay nagpasya na itong pumunta sa Clark Air Field at iwan ang bansa papuntang Hawaii, nagbitiw na sa pwesto si Marcos at sumugod ang libo-libong tao sa Malacanang at ipinagsisira ang mga gamit ng pamilya Marcos. Iwinagayway ang bandila ng Pilipinas sa palasyo at nagdiwang ang buong bansa.

INTERNATIONAL IMPACT

Matapos ang matagumpay na pagtatapos ng mapayapang rebolusyon sa EDSA ay humakot ito ng hanga mula sa iba’t ibang panig ng mundo at ito’y naging inspirasyon ng mga bansang nahaharap sa parehong sitwasyon.

MULA NOON, HANGGANG NGAYON

Mula noong 1986, hanggang ngayon, isinasabuhay pa rin ng maraming Pilipino ang diwa ng EDSA. Ang matagumpay na pangyayari na iyon ay naging inspirasyon ng buong mundo para matamasa ang inaasam na demokrasya at masaganang pamumuhay. Sana’y patuloy pa rin ito alalahanin at ipagmalaki. Ang demokrasya ay para sa atin at hindi sa mga piling tao. Ang ipinaglaban ng 2 milyong katao ay patuloy na isinasabuhay ngayon ngunit iilang tao na lang ang gumagawa nito. Sa tuwing pumapatak ang Pebrero 25 o kahit araw-araw, ang pagkakaisa ay mahalaga sa isang bansa dahil ang mamamayan ang makikinabang sa isang kinabukasang maipagmamalaki ng sambayanan.


About The Filipino Servant

Kent Ryan Masing, Author of The Filipino Servant

Posted on February 16, 2011, in Buhay Pilipino, Change we need, News. Bookmark the permalink. Leave a comment.

Your comment here

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: