Category Archives: Bagong Pilipinas

Ang Pilipinas sa ilalim ng Martial Law

Marami pa ring kababalaghan at katanungan ang bumabalot sa pagdedeklara ng Martial Law ni dating Pangulong Ferdinand Marcos. Halina’t siyasatin natin kung ano ba ang nangyari sa Pilipinas sa ilalim ng Batas Militar.

Ika-21 ng Setyembre 1972 – idineklara ni Marcos ang Proclamation No. 1081 o ang Batas Militar (Martial Law sa Ingles). Ngunit isinapubliko ito at napanood ang pagdedeklara dalawang araw matapos ito pagtibayin. Matapos ipinalabas ang proklamasyon, agad na ipinaaresto ang mga katunggali ni Ferdie sa pulitika, at mga demonstrador. Ipinasara ang mga istasyon ng telebisyon, radyo at palimbagan ng mga dyaryo. Hinigpit ang seguridad at nagpatupad ng curfew sa buong kapuluan.

Idineklara ang Martial Law dahil sa assassination plot laban kay dating Defense Secretary/Minister at ngayo’y Senate President Juan Ponce Enrile, paglakas ng pwersa ng mga komunistang grupo at patuloy na kaguluhan sanhi ng mga demonstrasyon laban sa pamahalaan at ang pagpapasabog sa Plaza Miranda. Hangad ng Martial Law na ‘iligtas’ ang republika mula sa mga masasamang elemento at bumuo ng ‘Bagong Lipunan’. 

“Iligtas ang Republika”

Layong iligtas ang republika mula sa mga masasamang elemento katulad ng mga komunista sa pamamagitan ng pagdedeklara ng Batas Militar. Imbes na humina at mawala ang mga komunista, lalong lumakas at dumami ang kanilang mga miyembro, nag-alab sila laban sa rehimeng Marcos. Mas tumindi ang giyera sa pagitan ng gobyerno at mga komunista kaya maraming inosente ang namatay sa salpukan ng dalawa. Ang mga mamamahayag ay napagbintangan na sila’y kasapi ng mga grupong Communist Party of the Philippines at New People’s Army kaya marami ang kaso ng extrajudicial killings sa panahon ng panunungkulan ni Macoy. Maski mga ordinaryong tao ay pinagbintangan kaya ang iba sa kanila’y sinaktan, pinatay at ipinahiya sa harap ng mga mamamayang takot at mabilis maniwala sa mga sabi ng gobyerno.

Bagong Lipunan

Hangad ni Marcos na baguhin ang lipunan sa pamamagitan ng Batas Militar. Nabago nga niya ang lipunan dahil takot na ang mga Pilipino sa kanya. Malaki ang ipinagbago ng kalagayang pangkalusugan at pangkalinisan – nawala ang mga basura sa daan at ang paligid ng mga tahanan ay naging malinis at napanatiling malinis ng mga tao na rin. Nabawasan ang mga pasugalang ipinagbabawal lalo na sa pangunahing lungsod ng Maynila. Nagkaroon ng kapayapaan at katahimikan sa mga pook ng paaralan na dati-rati’y may ligalig at karahasan. 

Napapaloob ang mga programa ng reporma ng pamahalaan sa salitang “PLEDGES” na ang ibig sabihin ay: P-eace and Order (Kapayapaan at Kaayusan); Land Reform (Reporma sa Lupa); Economic Development (Kaunlaran sa Kabuhayan);D development of moral valuesGovernment Reforms (Mga Pagbabago sa Pamahalaan); Educational Reforms (Mga Pagbabago sa Sistema ng Edukasyon); Social Services (Serbisyong Panlipunan).

Itinuturing na maganda ang programa ngunit ang mga repormang naipangako ay hanggang sa papel lamang. Kung mayroon mang pagbabago at nangyari lamang sa mga unang taon ng Bagong Lipunan.

Ang kanyang ‘Bagong Lipunan’ ay nabalot ng mga pangamba at takot dahil sa isang utos niya lang, dapat sumunod at maniwala ang lahat o ipapapatay sila. Hatid niya ang bagong Pilipinas na puno ng kaharasan at patayan. 

 

Marami ngang nagawa, mas marami pa ang ninakaw sa kaban ng bayan

Oo’t marami nga siyang nagawa sa kanyang 21 taon na panunungkulan. Nandyan ang San Juanico Bridge, Cultural Center of the Philippines, Lung Center at Heart Center, ang mga programang Green Revolution, reporma sa Lupa, North Luzon at South Luzon Expressway at iba pa. Sabi ng ilan, mas mura ang mga bilihin noon kesa bago pa at pagkatapos ni Marcos ngunit hindi nila alam na binabantaan ng pamahalaan ang mga nagtitinda na panatilihin sa mababang presyo ang mga bilihin upang mas maging epektibo ang “Bagong Lipunan”. Ngunit sa mga iba niyang proyekto ay sukdulan ang paglabas ng pera mula sa kaban ng bayan upang ibigay sa kanyang mga kaibigan at kamag-anak. Naging kontrolado ng kanyang pamilya ang ekonomiya kaya noong pinatalsik siya, pinabagsak nila ng husto ang ekonomiya ng bansa.

Pagbabago sa Pamahalaan at Saligang Batas

Nagkaroon ng malaking pagbabago sa pamahalaan mula nang ipahayag ang Martial Law. Ang Kongresyo na siyang gumagawa at bumabalangkas ng mga batas ay binuwag. Naalisan ng tungkulin ang mga senador at kinatawan. Sa ilalim ng Batas Militar, nagkaroon ang Pangulo ng kapangyarihang lehislatibo. Gumawa siya ng mga Kautusang Pampanguluhan (presidential decree), Kautusang Pangkalahatan (General Order) at Liham Pagpapatupad (Letter of Instruction). Ang mga ito ang mangangasiwa sa Pamahalaan at lahat ng mga sibilyang kapangyarihan. Ang Kautusang Pampanguluhan ay may bisa at lakas tulad ng mga batas na ipinapalabas ng dating Kongreso. 

Agad na ipinabuwag ang Saligang Batas ng 1935 at dagliang gumawa ng Kumbensyong Konstitusyonal na siyang gagawa ng bagong saligang batas. Ilan sa mga delegado sa kumbensyon ay sina dating Pangulong Carlos P. Garcia at Diosdado Macapagal, ang ilang mga kasapi ay mula sa pampublikong sektor at simbahang Katolika. Kaya nang naiharap at naipasa kay Marcos ang saligang batas, naging magulo ang pamahalaan. Matapos maipasailalim sa bagong konstitusyon ang bansa, naging dalawa ang tungkulin ni Marcos, ang maging Pangulo at Punong Ministro, ang Kongreso’y napalitan ng Batasang Pambansa.

Sa ilalim ng Batas Militar, ang Pilipinas ay para bang nakasakay sa isang roller coaster, dahil sa magulong sistema ng pamahalaan at lipunan. Maraming inosente ang namatay dahil sa mga maling bintang at ang ating ipinagmamalaking sandatahan ay naging death machine ni Marcos laban sa mga katunggali niya. Ang kanyang mga sinabi sa kanyang inagurasyon noong 1965, mga proyekto niyang nakatulong sa nakararami ay nabahiran na ng dungis dahil sa kanyang pagdedeklara ng Proklamasyon Blg. 1081. 

Inihatid niya ang Pilipinas sa daang bagsak ang ekonomiya, hati ang pananaw ng buong populasyon at mga giyera dahil sa iba’t-ibang paniniwala. Nawalan ng pag-asa ang mga Pilipinong biktima ng Martial Law upang makabangon. 

Ngunit sa matuwid na daan, ang bawat isa ay dapat maniwalang may pag-asa pa, dahil tayo rin ang uukit ng maganda at bagong bukas. Tayo rin ang maghahatid sa ating mga sarili sa matiwasay na bansa, tungo sa kaunlaran. Huwag na natin sayangin ang panahon at ituwid natin ang kamalian, baguhin ang sistema at pag-isahin ang hangarin nating bagong Pilipinas. 

 

Mga guro ng bayan: Unang nagpamulat ng matuwid na daan

Sila ang namuhunan para sa ating kinabukasan. Nagtuturo sila upang maging makabuluhan ang ating buhay. Pumapasok sila bawat araw dahil naniniwala silang tayo ang magiging pag-asa ng bayan. Itong post na ‘to ay para sa ating mga magigiting na gurong unang nagpamulat ng matuwid na daan.

Hindi ko na palalampasin pa ang pagkakataong ito—”MARAMING SALAMAT PO!” Maraming salamat sa inyong mahabang pasensya para sa aming mga estudyanteng todo-kayod upang may kaalaman sa buhay. Maraming salamat sa inyo dahil handa ninyong isakrapisyo ang mga pahina ng buhay niyo upang may matutunan kami sa pang-araw-araw. At maraming salamat dahil nandyan kayo upang umagapay sa aming paglalakbay sa matuwid na daan.

Ang bawat kayod niyo ay parang medalya na sa amin dahil nandyan kayo’t tinuturuan niyo kami upang maging matagumpay balang araw. Ang bawat salitang lumalabas sa inyong mga bibig ay nagpapabago sa takbo ng aming buhay dahil taglay nila ang mga salitang makatutulong upang maging matiwasay ang aming buhay sa hinaharap.

Ang bawat pagsulat niyo sa pisara ay umuukit sa aming kinabukasan, ipinapakita ninyong handa ninyong ibigay ang mga oras ng buhay niyo upang makagawa ng matatalino’t matagumpay na kabataan.

Ang inyong pagdidisiplina ay lingid sa ibang kabataan ay isang abuso ngunit sa amin na taas-noo sa inyo ang pagdidisiplina ay isang tamang paraan upang mailayo kami sa baluktot na daan na maghahatid sa amin sa kapahamakan at kahirapan.

Para sa amin, hindi lang tuwing Oktubre 5, hindi lang mula Setyembre hanggang Oktubre na magpasalamat sa inyo kundi araw-araw dahil alam naming importante kayong bahagi ng aming talambuhay dahil kayo ang unang nagpamulat sa amin ng bayang may kakayahan, may kabayanihan at may kaalaman.

Ang inyong mga turo ay hindi namin babaliwalain kundi pagyayamanin dahil makapangyarihan ang bawat paksang ating pinag-uusapan at maaaring makapagpabago sa sarili, sa pamilya at sa lipunan.

Ang bawat sandaling lumilipas kasama kayo ay isang karangalan dahil nandyan kayo at handang turuan kami ng mga bagay na makakapag-angat ng aming pamumuhay.

Asahan niyong hindi masasayang ang inyong mga leksyon at aming uukitin ang aming pangalan kasama kayo dahil hindi lang kami ang pag-asa ng bayan kundi kayo rin. Kung wala kayo, walang mga Pangulo, walang manggagawa, walang social workers, walang siyentipiko, walang mathematicians at walang estudyante.

Kayamanan ang turing namin sa inyo, sana’y magsilbing kayamanan niyo rin kami na magpapayaman sa kaalaman ng bayan. Muli po, MARAMING SALAMAT dahil nandyan kayo upang baguhin ang lipunan at ang aming kinabukasan! 

Bayani ng Bayan: Gabay ni Juan sa matuwid na daan

Sila ang mga gumawa ng kagitingan sa oras ng pangangailangan. Nakipaglaban laban sa mga manlulupig, tumulong sa mga nangangailangan at nawalan ng pag-asa at inuna ang bayan kesa sa sarili. Tinatawag natin silang mga ‘bayani’. Sila ang ating gabay sa matuwid na daan.

Tuwing dumarating ang huling Lunes ng buwan ng Agosto, atin silang sinasariwa at pinapasalamatan dahil sa kanilang pagkamartyr at pagliligtas sa ating bayan. Pero ang isang araw ay kulang pa upang sila’y pasalamatan at gunitain. Dapat silang isipin araw-araw dahil sila ang ating inspirasyon sa bawat nating gawain na kung saan ang bayan ang nakikinabang.

Rizal, Bonifacio, Ninoy, Gregorio, at Lapu-Lapu. Sila ang parati nating naiisip sa tuwing nabibigkas o nakikita ang salitang ‘bayani’. Sila kasi ang nagligtas sa atin noong ang mga panaho’y ang bayan ay nasa bingit ng panganib. Nagpakabayani sila upang iligtas tayo mula sa mga mang-aapi. Ngunit hindi natin alam, marami pala ang katulad nila at hanggang sa ngayon, patuloy na nadaragdagan ang populasyon nila. At sila’y nagiging inspirasyon ng sambayanan.

Sa kasalukuyan, itinuturing nating mga bagong bayani ang mga OFWs o Overseas Filipino Workers na kung saan ay nagtatrabaho sila sa ibang bansa upang may maipangtustos ang kanilang mga pamilya sa pang-araw-araw at para na rin mapalago ang ekonomiya ng bansa sa tulong ng mga remittance nila. Nagsisikap at nagpupursigi ang mga taong ito upang maiahon nila ang mga kaanak nila mula sa kahirapan, ang iba hindi lang pamilya kundi buong bayan. May mga ilan pang ipinagmamalaki ang ating bansa. Tunay nga namang mga bagong bayani, sa kanilang galing, talino at pagsisikap, ang pag-ahon ng kanilang pamilya ay simula ng pag-ahon ng buong bansa.

Sa oras naman ng kalamidad, ang mga taong tumutulong sa mga biktima at nagbibigay-serbisyo ang nagiging bayani. Katulad na lang noong hagupitin ang bansa ng Bagyong ‘Ondoy’ kung saan kakaiba ang nakita ng buong Pilipinas at pati na rin ang buong mundo. Kinalimutan ang pansariling interest, kinalimutan nila ang mga bahay nilang nalubog sa baha, ang kanilang pakay noon ay tulungan ang isa’t-isa upang sabay-sabay makaahon mula sa delubyo. May ilan pang sinakrapisyo ang kanilang buhay upang iligtas ang mga taong natangay ng rumaragasang baha.

Kahit sa ordinaryong araw lang ay naipapakita ng ilan ang pagiging bayani. Sa simpleng pagtulong sa mga matatanda na tumawid sa lansangan, paglilinis ng kapaligiran at pagtulong sa gawaing bahay. Sa simpleng gawain ay malaking tulong na rin sa pangkahalatan.

Ang kanilang pagkabayani ay gabay natin sa tuwid na daan. Inspirasyon ng mamamayan, gabay ng mga nagsisilbi sa bayan. Ang kanilang pangaral sa ‘tin ay hindi matutumbasan. Kaya dapat natin ‘to ingatan at sila’y parangalan at pasalamatan dahil pagka’t wala sila, tayong lahat ay walang pag-asa sa buhay. Kung gusto mo maging bayani, hindi mo kailangan ng itak, baril o alinmang armas na makapapatay ng kapwa-tao. Ang kailangan mo upang maging bayani ay tulungan ang mga nangangailangan na bukal sa puso mo at pagmamahal sa bayan. Pagyamanin natin ang kanilang kontribusyon sa lipunan at gamitin natin sa paglalakbay sa matuwid na daan.

RELATED POST:

Ninoy: Ugat ng pagbabago

Tinagurian siyang ‘Golden boy’ ng pulitika dahil maaga siyang pumasok sa paglilingkod sa bayan at nagpakitang-gilas sa kapwa mambabatas. Lider ng oposisyon noong panahon ng diktaduryang Marcos at ginising niya ang kamalayan ng sambayanan. Ngunit paglapag pa lang niya sa kanyang bayang sinilangan, hindi papuri o suporta ang sumalubong sa kanya kundi ito ang naghudyat ng pamamahinga niya sa mundo. Ito ang pakikipagsapalaran ni Benigno Simeon Aquino, Jr. o sa mas kilala na tawag na “Ninoy”.

Buhay Pilipino

Ipinanganak siya noong Nobyembre 27, 1932 sa Concepcion, Tarlac. Siya ay mula sa isa sa mga pinakamayamang angkan sa Tarlac at nakapag-aral sa mga pangunahing unibersidad sa Pilipinas. Napangasawa niya si Corazon Cojuangco (Cory Aquino) at nagkaroon sila ng 5 anak.

Buhay mamamahayag

Sa edad na 17 ay pinasok niya ang mundo ng pamamahayag. Siya ang inatasan ng The Manila Times na i-cover ang noo’y Korean War. Matagumpay niyang natapos ang kanyang misyon na i-cover ang giyera.

Buhay lingkod-bayan

Sa edad na 22 ay pinasok niya ang magulo at makulay na mundo ng pulitika. Siya ang napiling maging emisaryo ng administrasyong Magsaysay sa peace talks sa pagitan ng gobyerno at ng HUKBALAHAP. Napagtagumpayan at napasuko niya ang mga Huk na pinamumunuan ni Luis Taruc. Naging alkalde ng Concepion, bise-gobernador at gobernador ng Tarlac. Siya ang pinakabatang Senador sa edad na 34 at hinangaan dahil sa kanyang hindi matutumbasan na paglilingkod sa bayan.

Kinalaban ang ‘dragon’

Si Ninoy ang lider ng oposisyon noong panahon ng diktaduryang Marcos. Inusisa at inimbestigahan niya ang bawat kababalaghan at kabalastugan ng gobyerno. Napili niyang tumakbo bilang presidente noon ngunit nang idineklara ni dating Pangulong Marcos ang batas militar para manatili pa siya sa trono ay ipinahuli niya ang mga kumakalaban sa kanyang administrasyon at kasama si Ninoy sa mga ipinadakip. Nilitis siya sa military court at nahatulan ng kamatayan. Habang nakapiit ay patuloy pa rin niyang nilalabanan si Marcos. Nag-hunger strike siya upang kalabanin ang pamahalaan ngunit hindi ang mga nakaupo sa pwesto ang nanghina kundi siya. Bumagsak ang kanyang timbang at kritikal ang kondisyon ng kanyang kalusugan. Ang bawat hirap sa kanyang piitan ay natutumbasan ng lunas dahil sa kanyang mga anak at asawa niyang si Cory na nag-aaruga sa kanya. Noong 1980 ay inatake siya sa puso, hiniling niya kay dating First Lady Imelda Marcos na payagan siyang magpagamot sa Estados Unidos at ito naman ay pinahintulutan. Habang nasa exile siya, pinagpatuloy pa rin niya ang pakikipaglaban para sa malinis na pamamahala. Binatikos pa rin niya ang diktadurya kahit ang trato ng kanyang bayang sinilangan ay isang komunista.

Ang kanyang pamamahinga

Noong 1983, napag-desisyunan niyang makikipag-usap siya kay Ferdie upang maayos na ang mga problema sa bansa at matigil na ang katiwalian sa pamahalaan. Binalaan siya ni Imelda na may assassination plot ang pinaplantsa sa kanyang pag-uwi at iyon ay napatotohanan noong Agosto 23. Habang pababa sa kanyang sinakyang eroplano ay may umalulong na putok ng baril, nagkaguluhan sa Manila International Airport (na ngayo’y Ninoy Aquino International Airport) at doon nagtapos ang kanyang buhay. Di-umano’y binaril siya ni Rolando Galman na kalauna’y napatay ng mga sundalong nakahimpil roon na kasama rin sa pagpatay kay Ninoy. Nagulantang ang buong sambayanan lalo na ang kanyang pamilya dahil nawalan sila ng pundasyon. Halos 2 milyong Pilipino ang sumama sa paghahatid sa kanya sa huling hantungan na humihingi ng hustisya sa kanyang pagkamatay. 

Ugat ng pagbabago

Ang kanyang pag-uwi sa bayang sinilangan ay isang paglisan. Ngunit sa kanyang kadakilaan at pagpupursigi na ibalik muli ang kapangyarihan sa taumbayan, nagbunga rin ito at napaltasik ang rehimeng Marcos sa pamamagitan ng kanyang asawang si Cory katuwang ang milyung-milyong Pilipino sa kahabaan ng EDSA.

Inspirasyon ng lahat

Gabay at inspirasyon ngang maituturing ang ginawang kabayanihan ni Ninoy. Minulat niya sa katotohanan ang mga Pilipino pagdating sa kalayaan at demokrasya. Tunay ngang inspirasyon siya ng lahat, kahit wala na siya sa mundo, ang kanyang pagka-martyr ay hindi mabubura sa kaisipan, gawa at kasaysayan.

Kagitingang hindi matutumbasan

Kapag naririnig natin ang pangalang “Ninoy”, naalala lang natin ang paliparan (NAIA) at P500. Ngunit katulad ng isang paliparan, siya ang unang nagpalipad ng pangarap na makamit ang demokrasya. Ang kanyang kagitingan ay hindi matutumbasan ng P500 o higit pa. Alalahanin rin natin ngayon ang kanyang kadakilaan at ginawang kabayanihan upang makamit ang inaasam nating demokrasya. Siya ang unang umaksyon, tayo ang susunod na gagawa ng kasaysayang titingalain ng mga susunod na henerasyon, magiging inspirasyon ng mga sumisibol pa lamang at gagabay sa mga nagsisimula nang umukit ng pagbabago. 

Koko proclaimed

After an electoral protest that dragged on for four years, lawyer Aquilino “Koko” Pimentel III was proclaimed on Thursday as the 12th winning senator in the controversial 2007 polls.

In a landmark decision, the Senate Electoral Tribunal (SET) ruled that Pimentel, son of former Senate President Aquilino Pimentel Jr., won over Juan Miguel Zubiri, who resigned as senator Wednesday last week.

“The tribunal’s decision promulgated today declares that Aquilino Pimentel III as the duly elected 12th senator in the 2007 national and local elections… The decision is immediately executory,” SET secretary said in the proclamation held at Sofitel Hotel in Pasay City. 

According to SET’s final tally, Pimentel got 10,898,786 votes while Zubiri got 10,640,620.

The Commission on Elections (Comelec) initially declared Zubiri as the 12th winning senator in 2007, with 11,005,866 votes. Pimentel initially ranked 13th in the 2007 elections with 10,987,347 votes.

The proclamation marked the first time the SET proclaimed a defeated candidate as the rightful winner of a Senate post.

Palace congratulates Koko

Malacañang immediately congratulated Pimentel for his victory. 

“We congratulate Senator Koko Pimentel. At the very least, the people’s mandate has been served,” deputy presidential spokesperson Abigail Valte said.

Presidential political adviser Ronald Llamas said the proclamation showed why Zubiri resigned. “The numbers at the SET were the ones that pressured him to resign, no one else,” he said.

In his speech after his proclamation, Pimentel thanked his family and his legal team for the support, and the SET for “dedicating its full attention” on his electoral protest.

“Although people congratulate me for being the victor in this case, I would also like to congratulate the SET for this great achievement. Never in recorded history that a case has been decided based on merits,” he said.

Two of Pimentel’s future colleagues also extended their congratulatory messages.

“I am glad justice has been done. Koko deserves it,” said Senator Franklin Drilon.

For his part, Sen. Francis Escudero said: “I congratulate him and wish him well.” 

Spurious ballots

The SET gave weight to Pimentel’s claim in his electoral protest that votes were rigged in 2,658 precincts in the Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) and the province of Lanao del Norte.

In its decision, the electoral tribunal said it rejected 254,222 of the 384,680 ballots it re-examined for being “spurious” or “not bearing the security marks and features of genuine ballots.”

The SET said the some of the rejected ballots were “filled up by two or more persons, with one person usually writing the names of the candidates voted for national positions, and another writing the names of the candidates chosen for the local positions.”

The tribunal also observed how “groups or batches of ballots were prepared by only one person, as shown by the same style and stroke of handwriting.”

After the rejection of the spurious ballots, Zubiri’s original votes were reduced by 365,246 while Pimentel’s initial figures were deducted by 88,561 votes. As a result, Pimentel took the lead over Zubiri by 258,166 votes. 

With the SET ruling in his favor, Pimentel can now take his oath of office as senator and finish his remaining term, which will last for a year and 10 months, or until 2013. - with Kim Tan/KBK/RSJ, GMA News

UPDATE: 

FOI Bill: Malalaman na ng taumbayan ang katotohanan

Higit sa 90 na bansa sa buong mundo ang may batas nang ganito, at marami pa ring bansa ang naghahangad na maipasa ito at isa na rito ang Pilipinas. Sadyang mailap pa rin ang pagpasa at pagsasabatas sa Freedom of Information Bill o sa mas kilala sa tawag na FOI bill dahil na rin sa kawalan ng pagpapahalaga ng mga nagdaang administrasyon at mga mambabatas. Ngunit ngayon, nasisilayan na ang pagbuhay at posibleng pagpasa ng FOI bill.

Ano ba ang FOI bill? 

Ang batas na ito, na kilala sa buong pangalan na “An Act Implementing the Right of Access to Information on Matters of Public Concern Guaranteed Under Section Twenty-Eight, Article II and Section Seven, Article III of the 1987 Constitution and for Other Purposes” o ang “House Bill 3732” ay ginawa upang iulat kaagad ng mga opisyal ng pamahalaaan sa kagustuhan ng mga mamamayan upang malaman ang mga impormasyon tulad ng sa mga proyekto na magagarantisa sa konstitusyon sa loob ng sampung (10) araw pagkahain ng kagustuhan na ito.

Makikita natin na dapat lamang na magkaroon ng ganitong mga panukala dahil ayon sa ating konstitusyon ng 1987 sa ika-pitong seksyon ng Bill of Rights:

Ang karaptan ng mga tao para sa impormasyon ukol sa mga bagay ng pampublikong interes ay makikilala. Ang pagkabukas sa mga opisyal na mga dokumento at papeles na ukol sa mga opisyal na gawain, transaksyon o mga desisyon, lalo na sa datos mula sa pagsusuri ng pamahalaan ay nagamit bilang basehan para sa kaunalaran sa polisiya, na napasailalim sa mga limitasyon ayon sa ibinibigay ng batas.” (salin ng manunulat)

Nakapaloob sa panukalang batas ang pagpapalawak ng mga kaalaman na makukuha ng mamamayan mula sa mga gawain at transaksyon ng pamahalaan. Kabilang na dito ang mga kontratang pinasukan ng iba’t-ibang ahensya ng gobyerno, mga gastusin at impormasyon tungkol sa mga gawain ng mga lokal na opisyal. Dito makikita ng mga Pilipino ang bawat proseso ng malinaw na pinagdaraanan ng bawat transaksyon sa loob ng gobyerno. Dahil dito ay maiiwasan ang pagnanakaw sa kaban ng bayan o katiwalian at mas lalong maiintindihan ng sambayanan kung anong pinaggagawa ng mga binoto nilang pulitiko sa pamamagitan ng pag-uulat.

Mamumuhunan sa batas na ito ang sektor ng media, mga estudyante at iba pang sektor ng lipunan na gustong malaman ang bawat gawain ng pamahalaan. Malalaman rin agad kung sinong gumagawa ng kabalastugan at nagwawaldas ng kaban ng bayan dahil sa batas na ito.

Dahil sa batas na ito, maipapakita ng mga pulitiko at iba pang public servants ang kanilang maayos na paglilingkod para sa lipunan at para maiunlad ang pamumuhay sa bansa. Susundan ng mabuti ng lahat ng ahensya ng pamahalaan ang mga nakasaad na kasunduan at panukala ng batas upang malaman ng mga mamamayan ang mga bagay ukol sa mga desisyong ipinagawa ng mga opisyal. Ang mga hindi aayon at hindi susunod sa mga kondisyon ng proseso ayon sa batas na ito ay papatawan ng mga parusa na alinsunod sa mga sanction ng batas.

Kung maipasa man ito, isandaang porsyento (100%) nang maiiwasan at masusugpo ang katiwalian na kung saan trademark na ito ng bansa dahil na rin sa kawalan ng impormasyon sa bawat gawain ng mga lingkod-bayan. Magkakaroon ng positibong pananaw sa buhay ang bawat mamamayan dahil malalaman na rin nila ang naghihintay na tuwid na landas sa kanila at kung ano ang magiging lagay ng bansa sa susunod na mga taon.

Isa lang ang FOI bill sa mga agenda ng gobyerno at kongreso ngayon upang lalong mas mapaganda ang serbisyo sa taumbayan at ibalik ang tiwala sa kanila para sa hangaring pagbabago. Maituturing na isang mirakulo kapag maipasa ito dahil lahat ay mamumuhunan sa bagong Pilipinas na kung saan hindi na tinatakpan ang mga tenga ng gustong malaman ang katotohanan bagkus sinasabi ang pawang katotohanan sa bawat galaw ng pamahalaan.

Planking: A ‘stupid’ act

Sinasabi ng ilan ay art ang gawaing ito, mula sa Europa ang ganitong gawain at ngayong taon ay nauso na ito sa Pilipinas. Ito ang tinatawag nilang planking. Ngunit sa isang konserbatibo at matinong lipunan, ang ganitong gawain ay hindi kinokonsederang sining kundi pambabastos sa mga lugar kung saan nila ginagawa ito o isang gawain ng mga hindi matitino at wala masyadong napag-aralan.

Nauso sa Pilipinas ang planking noong nakaraang Hulyo lamang at tinawag na ‘web craze’ dahil sa internet nila ina-upload ang mga photos o videos ng kanilang pag-plank. Ayon sa mga plankers ng Pilipinas, isang lying down game ang planking at isang sining.

Sa isang Facebook page na kung saan pagmamay-ari ng isang Pilipino, nagko-compile sila ng mga litrato o video ng mga Pilipino na nagpa-plank kung saan-saan katulad sa Rizal Park, sa EDSA, at maski sa simbahan na nakakababa ng pagtingin sa lipunan. At take note, karamihan ng mga gumagawa dito ay mga kabataan.

Kung titingnan mo ang naka-compile na mga litrato at videos roon, nakuha pa nilang ipagmalaki ang kanilang ginagawa na sa first place ay wala naman silang napapala at binabastos nila ang mga lugar na sikat o kahit hindi. Ipinagmamalaki pa nilang nag-plank sila sa escalator na kapag nagkamali sila ng galaw ay maaari nilang ikapahamak iyon.

Nakakababa ng moralidad ika-nga sa isang konserbatibo at matinong lipunan. Ang mga kabataan na dapat tutok sa pag-aaral o mga naghahanap na ng trabaho ay nakuha pa nilang ‘pahiyain’ ang mga ipinagmamalaking landmarks ng isang lugar o bansa o kaya’y dinadaanan lang ng mga tao.

Kung gusto nila maging sikat then mag-artista sila o maghanap sila ng mga trabaho na kung saan magiging sikat sila o ma-e-expose on national television. Kung gusto nilang sumikat sa pamamagitan ng planking, then sikat sila sa kahihiyan at kata….

Iba na talaga ang panahon ngayon mga kababayan, sumusunod ang karamihan sa mga uso na wala namang mapapala ang bansa o kaya’y mapapahiya lang ang lipunan. Katulad ng jejemon na kung saan ginagamit sa maling paraan ang mga letra o numero kapag nagte-text sila, at kapag natanggap ang text ng isang tao na hindi pamilyar dito ay pahirapan ang pagbasa.

Ang ganitong uri ng gawain ay hindi bagay sa isang lipunan na kung saan pinapahalagahan ang pagmamahal at paglilingkod sa bayan at hindi ang pansariling interest at pagpapahiya sa buong bansa. Ang planking ay hindi isang paraan upang baguhin ang bansa, kundi paraan kung saan pahiyain ang isang lahi. Nagpapakadumi sila, inihaharap o hinahalikan pa nga nila ang kanilang mukha sa sahig upang lang magawa ito na tingin nating may pake pa sa bayan ay di-katanggap tanggap.

Kung gusto mo ng pagbabago, magpakatino ka at huwag mong hilahin pababa ang karamihan bagkus ay tulungan mo ang buong populasyon na pumaitaas at gawing maunlad ang pamumuhay.

Kapayapaan sa Mindanao, posible na

Kamakailan lang ay ibinalita na nakipag-secret meeting si Pangulong Benigno S. Aquino III sa chairman ng Moro Islamic Liberation Front o MILF na si Al Haj Murad Ibrahim sa Tokyo, Japan. Nagtagal ang kanilang pulong ng 2 oras tungkol sa pagpapanumbalik ng kapayapaan sa Mindanao na tingin ng ilan nating kababayan sa Mindanao ay bagong pag-asa.

Ayon kay MILF vice-chairman Ghadzali Jaafar, ang nasabing pulong ang nagpabago ng isip ng mga lider ng mga rebeldeng grupo. Ngunit nagbabala siya na baka harangin at sirain ng oposisyon ang settlement bago magtapos ang termino ni Aquino.

Kinuwestiyon ni House Rep. Edcel Lagman na lider ng mga mambabatas na maka-oposisyon ang nasabing meeting at bakit daw naging lihim ang usapan. Sinabi rin niya na dapat liwanagin ni PNoy na bakit naging lihim ang pulong nila at i-bunyag ang naging bottomline ng kanilang pag-uusap.

Nangamba rin ang ilang mga pulitiko sa pag-uusap ni Aquino at ng lider ng MILF na sa mahigit 3 dekada nitong pakikipagdigmaan laban sa pamahalaan ay higit sa 150,000 katao na ang nasawi.

Sa 14 na taon na negosasyon ng dalawang panig, naging bayolente ang sagot ng dalawa. Isa na rito ang peace deal na inalok ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Representative Gloria Macapagal-Arroyo na kung saan pinapayagan ang MILF na kontrolin ang ilang lupa sa Mindanao ngunit ni-reject ang plano ng Korte Suprema kaya nagsagawa ng mga opensiba ang ilang commander ng rebeldeng grupo na nag-iwan ng 400 kataong nasawi at 750,000 ang nawalan ng tirahan.

Sinabi ni Abi Valte, spokesperson ni Aquino na karamihan sa mga reaksyon ng mga mamamayan lalo na sa Mindanao ay naging positibo.

Ayon kay Marvic Leonen, isang negasyador ng gobyerno ay matagal nang binitawan ng MILF ang kanilang hangarin na lumaya at gusto na nilang magkaroon ng sub-state.

Ang nasabing pulong ay nagpapakita ng garantisadong kaunlaran at kapayapaan sa Mindanao sa hinaharap. Ito ay simula pa lang ng magandang hakbangin upang matapos na ang mahabang panahon ng girian ng pamahalaan laban sa mga rebelde, Katoliko laban sa mga Muslim at Pilipino laban sa kapwa-Pilipino. Nagsisimula na ang pagbabago sa Mindanao, ipanalangin sana natin na tuluy-tuloy na ang pag-usbong ng kapayapaan at katiwasayan sa lupang pinangako.

Wikang Filipino: Wikang panlahat, ilaw at lakas, sa tuwid na landas

Ngayong buwan ng Agosto, ating ginugunita at ipinagdiriwang ang Buwan ng wika bilang pagbibigay ng kahalagahan sa ating wika, ang Filipino at ang kontribusyon nito sa ating mga buhay. Ipinapaalala nito na napaka-importante sa isang bansa na magkaroon ng pambansang wika upang lubos na makilala ang yaman ng ating kultura. Pero ano ba ang kahalagahan ng pagkakaroon ng iisang wika? Paano natin ito maipagmamalaki sa buong mundo ngayong panahon ng globalisasyon? At paano natin ito magagamit upang makamit natin ang pagbabago?

“Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit sa hayop at malansang isda; kaya ating pagyamaning kusa, gaya ng inang sa atin ay nagpala.” Ito ang tanyag na katagang nagmula sa ating pambansang bayani na si Gat. Jose Rizal na nagbibigay kahalagahan sa wika sa buhay ng isang tao. Isang inspirasyonal na kataga at kapupulutan ng aral tungkol sa pagpapahalaga ng wika. Kahit maraming wikang banyaga ang alam na sabihin ni Rizal, hindi niya tinalikuran ang kanyang bansa at pinalagahan ang wikang Tagalog na isa sa mga parating ginagamit ng mga Pilipino noon.

Ang pagkakaroon ng iisang wika ay nangangahulugang nagkakaisa ang mga mamamayan at nagkakaintindihan ang lahat para sa iisang hangarin. Dahil kung hindi pinahalagahan noon na magkaroon ng pambansang wika ay hindi magkakaintindihan at magulo ang pakikipag-komunikasyon at talastasan. Hindi magiging maayos ang buhay kung iba’t-ibang wikang etniko ang dapat nating kabisaduhin. Kaya noon, pinahalagahan ni dating Pangulong Manuel Quezon na magkaroon ng iisang lengwahe upang magkaisa at maipakita sa buong mundo na kung may iisang wika na ginagamit ang isang bansa, nagkakaisa sa iisang hangarin ang mga tao nito. Kaya itinanghal nating ‘Ama ng wikang Pambansa’ si Quezon dahil sa kanyang natatanging limbag sa wika’t panitikan.

Ngayong panahon ng globalisasyon at makabagong teknolohiya, hindi papahuli ang ating wika. Kagaya sa website na Facebook na kung saan ay pwedeng gamitin ang wikang Filipino bilang medium o lengwahe sa pakikipag-komunikasyon at lubos na maintindihan ng mga Pilipinong gumagamit nito kung paano paganahin ito. Hindi rin papahuli ang Twitter na kailan lang ay pwede na sa wikang Filipino. Kamakailan lamang ay naging sikat sa website na YouTube ang isang music video kung saan tampok ang isang banyaga na kumakanta sa wikang Filipino at siya ay si David DiMuzio na lumabas na sa iba’t-ibang programa dito sa ating bansa.

Sa ibayong dagat naman, alam niyo bang may 1.4 milyong tao sa Estados Unidos ang nagsasalita sa wikang Filipino at ito ang pang-apat na lengwahe na parating ginagamit ng mga tao roon. Hindi rin mawawala ang mga bansang may mga OFWs na kung saan natututunan ng mga banyaga kung paano magsalita sa Filipino.

Ngayong pumapasok na ang iba’t-ibang wikang banyaga sa ating bayan, kailangan nating pahalagahan at wastong gamitin ang ating pambansang wika. Ating ipaalam sa kanila na kung nandito ka sa Pilipinas, dapat matuto kang magsalita sa wikang Filipino upang lubos na makilala ang kultura at panitikan ng ating lipunan.

Ang ating wika ay sumisimbolo ng isang bansang matatag at nagkakaisa dahil kung hindi magkaintindihan ang bawat mamamayan nito dahil sa mga pansariling wika, hindi uunlad ang ating bayan at patuloy pa rin sa paglayo ang inaasam nating pagbabago. Kung may iisang wika, magkakaintindihan ang lahat at magkakaroon ng iisang hangarin at ito ay bumangon mula sa mga pinagdaanang problema. Ngayong nasa tuwid na landas na tayo, ating ipagmalaki at ipagbunyi na mayroon tayong iisang wika at ito ang Filipino na daan sa iisa nating hangarin, at ito ang pagbabago sa lipunan. Nawa’y ating gamitin ng wasto ngayong buwan ng wika ang Filipino at taas-noo tayong magsalita sa ating sariling wika!

Ina ng demokrasya, Ilaw ng bayan

Isang simpleng maybahay, mula sa isang marangyang pamilya, asawa ng dating Senador Benigno ‘Ninoy’ Aquino, Jr. at may 5 anak. Ganyan kung siya’y ilarawan bago niya pinagsilbihan ang buong bansa. Siya ay walang iba kundi si María Corazón Cojuangco-Aquino o sa mas kilala sa palayaw na Cory. 

Payak na pamumuhay

Ipinanganak noong ika-25 ng Enero 1933 sa Tarlac kung saan siya’y kabilang sa marangyang angkan ng mga Cojuangco. Anak siya nina Jose Cojuangco at Demetria Sumulong. Siya’y nag-aral ng elementarya at sekondarya sa Saint Scholastica’s College sa Maynila, nang sakupin ng mga Hapones ang bansa ay napiling mag-aral sa Estados Unidos at bumalik uli sa Pilipinas at nag-aral ng Law sa Far Eastern University. Siya’y namulat sa marangyang pamumuhay ngunit pinili pa rin niyang maging simple ang kanyang dating.

Buhay may-asawa

Napili niyang tumigil sa pag-aaral at pakasalan ang anak ng dating House Speaker Benigno Aquino, Sr. na si Ninoy. Sila’y nagkaanak ng lima, at ito’y sina Ballsy, Pinky, Viel, Noynoy (kasalukuyang Pangulo ng bansa) at si Kris. Naging busy si Cory sa pangangampanya ng kanyang asawa na dati’y tumakbo bilang alkalde ng Concepcion, Tarlac, gobernador ng Tarlac at Senador ng Pilipinas. Noong panahon ng diktaturyang Marcos, inaresto si Ninoy na kritiko ng pamahalaan ni Ferdinand Marcos. Ginabayan ni Cory si Ninoy hanggang hatulan ng kamatayan, naghirap at nagdusa si Ninoy noon ngunit napawi naman dahil sa pag-aaruga sa kanya ng kanyang asawa.

Pagharap sa milyung-milyong Pilipino

Noong ika-21 ng Agosto 1983, binaril ang kanyang asawa sa Manila International Airport (na ngayo’y Ninoy Aquino International Airport) habang bumababa ito sa sinakyan niyang eroplano mula sa Estados Unidos kung saan napili nilang pamilya na mag-exile. Dahil dito, nakilala siya sa pamamagitan ng pagsama sa mga demonstrasyon at protesta laban kay Marcos.

Simula ng pagbabago

Noong nagpatawag si dating Pangulong Marcos ng dagliang halalan ay nag-organisa na mag-ipon ng 1 milyong lagda ang mga anti-Marcos upang patakbuhin si Cory bilang presidente. Tinanggap naman ni Cory ang alok sa kanya ng sambayanan kaya tumakbo siya sa halaan noong 1986. Ayon sa COMELEC, si Marcos ang panalo sa botohan ngunit batay naman sa NAMFREL ay nanalo si Cory. Kaya nagkaroon ng dalawang Pangulo ang Pilipinas. Dahil sa umano’y pandaraya sa eleksyon, nagpatawag si Cory ng civil disobedience at i-boycott ang mga kumpanyang pagmamay-ari ng pamilyang Marcos. Nang tumiwalag si Fidel Ramos at Juan Ponce Enrile sa pamahalaang diktadurya, hinikayat nila ang mga Pilipino na protektahan sila dahil sa nagbabadyang pagpatay sa kanila. Kahit wala si Cory noong mga araw na iyon at nasa Cebu, kinonsidera ng marami na isa siya sa mga nanguna ng protesta at nagsilbing inspirasyon.

Ina ng bansa, Ina ng demokrasya

Nanumpa si Cory Aquino noong ika-25 ng Pebrero 1986 sa Club Filipino sa Greenhills bilang presidente ng bansa. Gayundin ang kanyang karibal na si Ferdinand na nanumpa naman sa Malacanang at ilang sandali lang ay umalis ito sa palasyo at piniling pumunta na sa Hawaii dahil sa nagbabadyang pagsugod sa Malacanang. Siya ang naging kauna-unahang babaeng lider ng bansa at pati na rin sa Timog-Silangang Asya. Itinanghal na “woman of the year” ng TIME Magazine, nakatanggap ng Nobel Peace Prize at kinilala ng buong mundo bilang “ina ng demokrasya”. Ibinasura niya ang Saligang Batas ng 1972 at ibinalik sa dati ang Saligang batas na kumikilala na mas makapangyarihan ang mga tao kesa sa gobyerno. Tinulungan niya ang mga Pilipino na bumangon hindi lang mula sa diktadurya kundi sa iba’t-ibang pagsubok na nangyari sa kanyang kapanahunan. Humarap sa 7 kudeta ang kanyang administrasyon at maraming tao ang namatay dahil dito. Nanatiling matatag pa rin at hindi natatakot na masaktan o mamatay si Cory sa mga pag-aaklas sa pangunguna ng mga rebeldeng sundalo. Dumaan ang bansa sa mga kalamidad katulad ng 1990 Luzon earthquake, pagsabog ng Mt. Pinatubo at paghagupit ng Bagyong Uring na kung saan libo-libo ang namatay. Isa sa mga kontrobersyal na reporma niya ay ang reporma sa lupa o sakahan na mas kilala bilang Agrarian reform na patuloy pa ring napapakinabangan ng mga magsasaka.

Normal na pamumuhay

Hindi magarbo o marangya ang kanyang pamumuhay kahit nasa dugo na nila ang pagiging mayaman. Pinili niya pa ring maging simple kahit siya’y lider pa ng bansa. Minsan ay nakikitang bumibili ng damit sa mga mall na bihira sa may mataas na kapangyarihan ang gumawa nun pero pinatunayan niyang pantay-pantay ang lebel ng lipunan. Hindi siya tumira sa palasyo ng Malacanang dahil sa kanya ay nananatili pa rin ang kababalaghan at katiwalian sa palasyo bagkus ay tumira siya sa Arlegui mansion na malapit lang sa Palasyo na may kalakihan rin. Kilala si Cory bilang madasalin at malapit sa Diyos.

Pakikibaka para sa malinis na sistema

Bumaba siya bilang lider ng bansa noong 1992 na sinundan ng dating Pangulong Fidel V. Ramos. Kahit wala na siyang kapangyarihan at bumalik bilang simpleng ina ay pinangunahan pa rin niya ang kampanya para sa malinis na gobyerno. Isa sa mga pinagunahang pagtitipon ay ang EDSA II na kung saan pinatalsik nila bilang pangulo si Joseph Estrada dahil sa pandarambong at nanguna sa pagpapatawag na pagbaba ng pwesto ni dating Pangulo at ngayo’y kongresista na si Gloria Macapagal-Arroyo dahil sa pandaraya noong 2004 presidential elections.

Pagkakasakit at pagpanaw

Siya’y na-diagnose sa sakit na colon cancer noong 2008 na ikinabahala ng maraming mamamayan. Sunud-sunod ang mga prayer vigil para gumaling ang dating Pangulo. Tinutukan ng buong sambayanan ang kanyang paghihirap sa sakit niya hanggang siya’y pumanaw noong ika-1 ng Agosto 2009. Nagluksa ang buong bansa at pati na rin ang buong mundo sa kanyang pagpanaw. Halos higit sa kalahating milyon ang nakiisa sa paghahatid sa kanya sa huling hantungan sa Manila Memorial Park kung saan magkatabi ang kanilang himlayan ng asawa niyang si Ninoy. Dahil sa kanyang pagkamatay, hinikayat ng mga Pilipino si Noynoy na anak ni Cory at noo’y Senador pa lang na tumakbo bilang Pangulo noong 2010 at tinanggap rin naman ito.

Natatanging limbag sa kasaysayan

Ginamit niya ang kanyang pagka-nanay upang kontrolin ang bansa. Inaruga at inalagaan niya ang bawat Pilipino na umaasa ng pagbabago. Dahil sa kanyang katapangan at kahusayan sa pamumuno at pagbabalik ng kapangyarihan sa bayan, nagkamit siya ng mga pagkilala at parangal sa mga prestiyusong patimpalak. Kahit hindi lubusang nabago ang mga buhay ng lipunan, ang kanyang adbokasiya ay nananalaytay pa rin sa ating mga puso’t isipan na magsisilbing inspirasyon natin na itama ang mali at ituwid ang landas ng bawat Pilipino. Yan ang buhay ni Cory, simple at payak na tao ngunit ang limbag sa ating kaalaman ay hindi matatawaran ng kung anu-anong bagay.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.